Private Account
[Flash 10 is required to watch video]

may dumapong insekto sa aking tabi

di ko alam kung ito ba’y bubuyog o tutubi

kung akin lamang itong nahuli

pangangalanganan ko sana siyang ‘Bububi’

alam mo bang maaring malaman kung birhen ka pa o hinde sa pamamagitan ng pagkapa lamang sa ilong mo? dahil magkakonekta diumano ang mga ugat mo sa hymen pati sa penis doon sa ugat sa ilong mo.
matandang hukluban slash alagad ng sining slash manghuhula slash so on and so forth
naglilihi

nanaginip ako noong isang gabi matapos kong umiyak ng husto..

buntis ako. sa panaginip ko man ay nagtataka rin ako kung paano nangyari yun. pero sa tinagal ng panaginip ko, parang napapaniwala ko na lang yung sarili ko na posible yun kahit di ko alam kung sino ang ama at kung nagniig ba kame.

[Pregnancy: To dream that you are pregnant, symbolizes an aspect of yourself or some aspect of your personal life that is growing and developing. You may not be ready to talk about it or act on it.  This may also represent the birth of a new idea, direction, project or goal.]

tapos biglang dumating yung ina ko. sabi niya, pano daw kung ilabas na raw namin yung bata para daw makita na namin.

[Mother: To see your mother in your dream, represents the nurturing aspect of your own character. Mothers offer shelter, comfort, life, guidance and protection. Some people may have problems freeing themselves from their mothers and are thus seeking their own individuality and development.]

tapos sa di ko rin alam na dahilan eh pumayag ako kahit na parang na-establish sa kwento na di ko pa kabuwanan. kamangha-manghang wala akong naramdamang sakit nang isilang ko ang bata

[Birth: To dream of giving birth or see someone else giving birth, suggests that you are giving birth to a new idea or project. It also represents a new attitude, fresh beginnings or a major  upcoming event.  Alternatively, the dream may be calling attention to your inner child and the potential for your to grow.]

at dahil diumano’y di ko pa kabuwanan, parang sinabi ko sa ina ko na in case na hindi malusog yung bata pag labas eh ibalik na lang yung bata sa sinapupunan ko.

[Womb: To see the womb in your dream, represents creation, childbirth, fertility and new birth. The dream may be symbolic of fresh new ideas.]

at para nga naman pwede pa siyang ibalik na parang wala lang nangyari, hiniling ko na huwag munang putulin ang umbilical cord na nag-uugnay sa amin. kaya minsan nagkakahatakan kami kung saan kami pupunta

[Umbilical Cord: To see an umbilical cord in your dream, represents your lack of individuality. You may be expressing some anxiety about being on your own and/or supporting yourself.]

pero malabo na ngayon ang imahe ng anak ko saken ngayon. ang naaalala ko lang mana sa akin yung bata, mas matalino at cute nga lang. at nagsasalita siya at nakapaglalakad na parang 3 yrs old. pinapangaralan pa nga ako eh. pilit kong inaaalala yung pangalan na gusto kong ibigay sa anak ko kaso sumuko na ko. tinatawag ko na lang siyang Kenetee o Nicol

[Baby: To see a baby in your dream, signifies innocence, warmth and new beginnings.  Babies symbolize something in your own inner nature that is pure, vulnerable, helpless and/or uncorrupted. If you find a baby in your dream, then it suggests that you have acknowledged your hidden potential.]

nagkakasundo kaming maigi nitong batang ito. di naglaon, siya mismo ang nagputol ng umbilical cord sa aming dalawa. mula noon, normal na kaming nakapaglalakad na magkasama

[Cutting the Umbilical Cord: To dream that you are cutting an umbilical cord, indicates that you need to be self-sufficient and stand on your own two feet. You need to pull yourself back up and get back into the swing of things.]


so ayun, medyo malabo na yung kabuuan ng panaginip ko kasi parang kinokontrol ko na yun sa bandang huli

pero paggising ko, doon ko naalala yung pangalan na balak kong ibibigay ko sa anak ko noon pa man:

ADHIKA

[Adhika: Sanskrit = more, greater; Tagalog = ambition]

remedium amoris

di ko na maalala kung kelan ako huling naging masaya. 

basta batid kong matagal-tagal na rin akong namamalagi sa pighati. 

hungkag ang bawat araw na pinalilipas ko sa kagugunita ng sawi kong pagtatangka sa pag-ibig. 

puspos ang bawat gabi na itinutulog ko sa kahehele sa saliw ng malubhang pangungulila. 

sinusubukan ko namang maging abala sa ibang mga bagay, makabuluhan o nakalilibang. 

subalit nauuwi lamang sa aking nakapamihasnan, ang pag-iisa.

nais kong lumayo. gusto kong makalimot.

huwag ko naman sanang mabigyang katwiran ang pagpapatiwakal sa piling ng memoryang ako na lamang ang nagdurusa.

ngayo’y tinutugis ako ng mga alaala niyang ilang beses ko nang kinitil.

ang bawat latay ko sa kanya ay sariwang sugat na sa akin pala mismo dadapo.

kaya’t sinunog ko na ang lahat ng tulay kahit alam kong ni ang himpapawid, ni ang tubig ay di namamagitan bagkus ay nag-uugnay pa nga rin.

akin lamang napatunayang nakamamatay nga ang tumawid.

hinding-hindi ko na muling pupunan ng paghihintay ang puwang sa aking kamay..

hinding-hindi ko na muling pupunan ng pananabik ang blangko sa aking mata..

hinding-hindi ko na muling pupunan ng pag-asa ang patlang sa aking puso..

hinding-hindi na muli galing sa kanya.

di ko sigurado kung ako nga ba ay tumatakas at mas lalong di ko tiyak kung kinakailangan ko pa lang maghabol.

pero iisa lang naman ang di-magbabago, ang pinakaaasam-asam ko..

may darating ngunit walang babalik.

[samakatuwid, umaalingasaw ng kalungkutan ang aura ko]

Remedium Amoris—The cure for love is still in most cases that ancient radical medicine: love in return.

-Friedrich Nietszche

tagay ng bukang-liwayway


punan mo ang baso ko mula sa silahis ng ‘yong tanglaw
kanina’y binuhusan ng ginintuang serbesa’y
ngayo’y nag-uumapaw sa sinag mo, araw


magdamag pala akong nagpapanggap at nagmamatapang
gumon sa pagkaulila. gupo sa kahihiyan.
ang lasing kong gunita’y nawalan ng muwang


nasaniban man ng espiritu’y gusto ko pang magtagal
suko na sa paghimbing ngunit may nais abangan
isa kang pangako na ibig kong abutan


ngunit sa hudyat ng pagsikat mo’y ako’y walang nagawa
at walang ibang naihanda maliban sa luha
sa pagbuntong-hininga’y tumulo nang kusa


sa pagtagpo ng liwanag mo kapantay ng aking mata
natunghayan ko na ang ganap mong hugis at ganda.
sadyang mapagpalaya at mapanghalina


sa sandaling ito ay ako naman ang s’yang magbabalik
tigang ang puso at uhaw sa iyong pagtangkilik
nang mapaso muli sa init ng ‘yong halik


sa bawat araw ay nagsisilbing pag-asa sa ‘king diwa
ang pagtangis ko ay dalanging pinauubaya
sa nag-iisa kong pananampalataya 

di rin magbabago ang damdamin
di rin magbabago ang damdamin
UP Naming Mahal
ganyan ako mag-appreciate

ganyan ako mag-appreciate

..kukulitin kita nang kukulitin hanggang sa kakulitan ko na lamang ang tanging ikagagalit mo sa akin
binibining ces fernandez

kung kaibigan mo sya sa facebook, malamang ay di mo naiwasang makita ang pinost niyang video. matagal nang nakapaskil ito sa top news ng news feed, para bang no.1 sa billboard top 100. ngunit bawat ‘like’ at comment ng mga tao ay nagsilbing punyal na labas-masok sa kanyang puso.

pano, sadyang inuugnay natin ang sarili natin sa mga kanta na napakikinggan natin. para bang puwang na nilaan ng mangangawit upang punuin ng sarili nating kahulugan. At, oo, me ganon tayong mga moda. yun nga lang, iba ata ang kaso niya.

lubha daw kasi siyang naintriga sa isang natatanging kanta subalit di naman siya pamilyar dito. di kasi siya inabutan ng kapanahunan nun. kaya daw minabuti niyang saliksikin ito sa youtube. hinanap niya yung tipong me lyrics pa upang lalo niyang maintindihan. at mantakin mo nga naman, yung nakuha niya ay hindi yung tipong ginawa sa windows movie maker na mukha namang powerpoint presentation. yung tipong yung lyrics ng kanta yung fina-flash kaakibat ng samu’t saring effects at background. hindi raw yun.

isang tunay na karaoke version ang tumambad daw sa kanya. yung tipong may hubad na mga titik na daraanan ng kulay pula bilang gabay para masabayan ang kanta. yung tipong minus one. at ang background, well, sans yung mga babaeng naka-bikining tumatakbo sa dalampasigan.

sakdal daw ang version na ito para sa kanya. tamang-tama. saktong-sakto. tutal di pa naman niya naririnig tong kantang to noon, di ganap ang maiiwang bakas nito sa kanya. di sya mae-LSS kasi wala namang boses na magtatawid ng anyo ng damdamin ng kanta. tanging ang malamyos na tunog na nalilikha  at ang nagsusumamong liriko ng kanta. subalit kung mamarapatin daw, mas magiging madali daw kung aaminin na lang niya yung sakit. ang pamumula ng bawat titik, salita at taludtod ay nagsilbing magkasabay na pagdidilim at panlilisik ng kanyang paningin. pero at least, di daw sya mae-LSS.

pero hindi daw.

sa katunayan nyan, dumalas daw tuloy ang mga sandaling magsisimula sa “tenen tenenten ten ten..ten ten ten tententen…” tapos parang biglang lalabas ang mga namumulang titik sa pangin niya. tila ba lahat ng nasisilayan niya ay nagmimistulang tagpo ng kanyang sariling karaoke na dinidirehe ng kanyang isip. lalo na kapag kasama niya ang lalakeng yun.

ang lalakeng yun daw.

wala na raw sigurong saysay ang kanilang kasaysayan. basta sa kanya niya nakuha ang kanta. nabasa niya sa isa sa kanyang akda. at aba naman daw, ramdam na ramdam mo daw ang drama nitong lalakeng ito. aba’y anumang bagay ang ihalintulad mo sa kaluluwa ay sadyang napaka…heavy.

isang napakalinaw na pagsusumamo ang moda ni lalake. isang pagsusumamo sa isang taong di matiyak kung sino. malamang para sa isang di tiyak kung sinong babaeng mamahalin niya talaga. yung tunay at totoong mamahalin niya ng buong pananalig. isang babaeng maaari niyang mapahiraman ng panulat sa exam. isang babaeng maaari niyang makasalubong sa paglalakad sa oval. isang babaeng maaaring hinahanap rin pala siya sa tanang buhay niya.

certainly, hindi inaalay ni lalake ang kanta sa isang certain someone.

punahin daw ang karumal-dumal na salungguhit sa salitang someone. ang kaisa-isahang tiyak sa akda ni lalake na nabasa niya raw. walang ibang ipinapahiwatig kundi ang tiyak na pagtukoy daw sa kanya, yung tipong pwede mo nang ipanghalili sa tunay nyang pangalan. as in, simula nun, maaari mo na daw syang tawaging someone.

bawat titik, salita at taludtod ng kanta na nagma-marquee sa isip niya ay pawang malulutong na sampal daw sa kanyang pagmumukha. nangangahulugan lang na sa pananaw ng lalake ay hindi raw niya maaaring katawanin ang di-tiyak na babaeng inilalarawan niya sa mula kantang nahugot niya ang kaluluwa.

at ang masakit daw dun, bilang isang hamak na certain someone raw, handa naman talaga niyang ihandog ang lahat ng iyon. pinagkaitan lang daw siya ng pagkakataon.

kaya siguro nakatutulong daw na sa tuwing gumagawa ang isip niya ng karaoke version ay nagdaragdag siya ng iba’t ibang babae para maipareha kay lalake. yung ibang mga babaeng tipong makatutugon sa pagsusumamo niya. para lang mamasdan niya raw uling maging masaya yung lalake na dati-rati’y siya lang ang nagbibigay-sanhi. pero nakaaaliw naman daw kung mala-hipon ang ipinapareha niya. tapos mapagtatanto niya na mas masaklap pala yun kase nagawa niyang mahalin yun kesa sa kanya.

ngunit isang minsan, lumilikha daw siya uli ng munting karaoke version habang kasama tong si lalake. habang naghihintay ng klase, nakinig daw muna sila ng radyo mula sa selpon. di daw niya malilimutan ang himpilang di sinasadyang nahintuan noon. ang himpilang kung san energy daw ang sabihin, hindi radyo.

ang musika ay parang on cue. pamilyar na ngayon ang “tenen tenenten ten ten..ten ten ten tententen…” ngunit sa pagkakataong ito ay may kumakanta na bukod sa mangangawit, ang lalakeng yun.

ang tinig ng lalakeng yun na walang ibang ipinapaabot kundi lubayan mo ko.

natagalan daw niya ang buong kanta na pigil ang luha. ngunit talagang kelangan pa raw sabihin nitong lalakeng to sa kanya na kesyo paborito niya ang kanta dahil nahugot niya ang kaluluwa nito, as if di pa niya alam.

tapos sabi pa raw nitong lalakeng ito sa kanya:

“magiging masaya rin tayo sa mga susunod natin, malay mo, yun na ang somebody natin”

ang tugon lang daw niya bilang isang hamak certain someone:

“di ko kelangan ng somebody, kelangan ko ng someday

Ces Fernandez likes this

Nang Magkalimutan Kami ni Balang Araw

May balang araw para ika’y limutin.
Kung daratnan nito’y wag munang isipin;
Kung ang ngayon ang siyang handog sa atin;
Makapiling ka’y mahalaga sa akin.

Sa pagitan ko at ng kinabukasan,
Nagkasundo kami sa binuong tipan.
Mga plano’t pangarap na sinaligan,
Napagdamutan ng petsa’t nakaligtan.

Nasa akin ang pagbabaka-sakali.
Lubos ko pang susubukang muli’t muli.
Armado ng baka, pwede, maaari;
Ipagpapatuloy ko’t ikaw ang sanhi.

Mahal kita’t di ko kayang ipag-imbot.
Itanong man kung bakit ay walang sagot.
Ang tanging tugon na siyang mahuhugot,
Nawalay mong puso ay sana maabot.

Lingid na, kung ikaw ma’y karapat-dapat.
Sakdal kong pag-ibig naman ang katapat.
Di pag-asa ang pinanghawakan pagka’t
Makasalamisim sa ‘yong mata’y sapat.

Ang magsisi kaya o ang manghinayang?
Di ba’t kapwa rin namang kahihinatnan?
Buti’t ibuwis ang lahat ng paraan.
Tumbas ng tulad mo’y di matatawaran.

Wag kang mag-alala sa ‘kin, manalig ka.
Wag kang maawa sa ‘kin, maniwala ka.
Wag na wag kang magsisi, magtiwala ka.
Di mo sala ang mahalin pa rin kita.

Mayroong higit pa sa ating dalawa.
Higpit ng bigkis ng ating pagsasama;
Sakbibi ang bawat munting alaala;
Pagkakaibigan ang siyang nagdala.

Handa, kung di mabago ang ‘yong pananaw.
Kasalukuyang palugit ay malinaw.
Subali’t may isang tanong na pahapyaw,
Malimot nga kaya kita balang araw?